Wednesday, August 10, 2011
Emmanuel
ni Efren Abueg
Sa taya ko'y mga dalawampu't anim na taon siya. Maputi. Mataas. Matangos ang ilong. Malalamlam ang mata. Malago ang kilay. Daliring-babae. Nakapantalon ng abuhing korduroy at iskiper na kulay-langit. Nagbakasyon ako sa Naga sa anyaya ng isang kaibigan, at nang pabalik na ako sa Maynila lulan ng tren, ay nagkatabi kami sa kotseng primera klase. Nakababagot ang mahabang paglalakbay. At sa kawalan ng mapaglibanga'y nakipag-usap ako sa kanya. Hindi siya masalita, ngunit isa siyang mabuting tagapakinig. Malungkot ang kanyang tinig, at ang ilang kasagutan niya sa mga katanungan ko'y tila kakambal ng hiwaga. Naitanong ko kung saan siya nanggaling. "Marami akong pinanggagalingan," sagot niya. "Naglilibot?" "Siguro. Ewan ko." Sa manaka-nakang pagsasalita niya'y natiyak kong malawak ang kanyang kaalaman. Bawat paksang buksan ko'y saklaw niya: sining, siyensiya, kasaysayan, relihiyon, pulitika. Sa madaling salita'y sinapit namin ang Maynila. Bago kami naghiwalay ay nagkamay kami't nagpakilala sa isa't isa. "Minsan, magpasyal ka sa bahay." Sinabi niya ang kanyang tirahan; tinandaan ko iyon at nang magkalayo kami'y itinala ko sa likod ng kaha ng posporo. Aywan ko kung anong pang-akit mayroon si Emmanuel upang hangarin kong magkita kaming muli. Dinalaw ko siya makalipas ang limang araw. Marahil ay labis ang katagang "nanggilalas," ngunit tunay na nanggilalas ako nang makita ko ang bahay na tinitirhan niya. Mahirap ilarawan ang bahay na iyon. Ang masasabi ko lamang, bago ako makapagpatayo ng gayong bahay ay kailangang tumama muna ako ng unang gantimpala sa karaniwang bolahan ng suwipistik. May pulang Thunderbird sa carport. Bago ako pinatuloy ng isang utusang babae ay ipinagbigay-alam muna niya kay Emmanuel ang aking pagdating. Nasa salas si Emmanuel, nakaunat sa mahabang sopa. Nakaputing korto siya, hubad-baro. Mabalahibo ang kanyang binti. Ang mukha niya'y namumula: marahil ay dahil sa alak. Umiinom siya. Nakangiti sa akin si Emmanuel, ngunit ni hindi siya tumayo. Inginuso niya ang isang sopa. Maingat na naupo ako. "Kumusta, brad?" bati niya. "Eto," kiming sagot ko. "Iinom tayo, brad." Husto sa mga makabagong kasangkapan ang kabahayan. May hi-fi. May telebisyon. May telepono. Bentilador. May piyano. "Kung alam kong ganito ka, brad," sabi ko habang sinasalinan ko ng wiski ang basong kaaabot pa lamang sa akin ng utusan, "baka nag-isip muna ako nang makasampu bago ako nagpunta rito." "Ow." Nasakyan niya ang nais kong ipakahulugan. "Walang kuwenta iyan." Itinanong ko ang mga kasambahay niya. "Ako lang, saka ilang katulong." Sa pag-uusap nami'y nalaman kong ulilang lubos na siya. Ang kanyang mga magulang ay nasaawi sa sakuna samantalang nagliliwaliw sa buong daigdig; umano, ang eroplanong kinalululanan ng mga magulang niya'y bumagsak sa Roma. Ang tanging kapatid niya, lalaki at matanda sa kanya, ay may asawa na. Ang paksa'y nagawi sa pag-aaral. "Tapos ako ng medisina pero hindi ko ginagamit," sabi niya. "Hindi ko naman kasi hilig iyon pero siyang ipinakuha ni Mommy. Doktor si Mommy. Sabagay, hindi ko naman alam noon kung anong karera ang talagang gusto ko. Ikaw?" "Kumuha ako ng komersiyo pero nahinto." "Bakit?" "Kinapos," patawang amin ko. "Nagtatrabaho ka na lang?" "Nagbibilang ng bituin. Kung medyo ginaganahan, nagsusulat...nagkukuwento ng mga kalokohan." Dumidilim na nang magpaalam ako. Inihatid ako ni Emmanuel hanggang sa makalabas ng tarangkahan. "Bumalik ka," sabi niya. Tumango ako bagama't hindi ko tiyak kung mababalik pa nga ako sa bahay na iyon. Ngunit nagbalik ako pagkaraan ng dalawang linggo. At gaya noong unang pagsasadya ko roon, si Emmanuel ay dinatnan ko na namang umiinom. Nagkaroon siya ng kainuman. Sa pagbibidahan nami'y naitanong niya kung ako'y mahilig sa babae. "Lalaki tyao, brad," sabi ko. "Anong klaseng babae naman ang gusto mo?" "Maganda. Mabait. Malambing. Ikaw?" "Ewan ko. Maglabas tayo ng babae, gusto mo?" May pumitlag sa dibdi ko. "Kung sa gusto'y talagang gusto ko. Pero hindi ako puwede ngayon." "Kuwarta?" Matunog siyang makiramdam. Tumango ako. "Ow. Walang kuwenta iyan." May tinawagan siya sa telepono. "Susunduin natin sila mamayang alas-otso," pagkababa sa auditibo'y sabi ni Emmanuel. Doon na ako naghapunan. Ikapito ng gabi'y lulan na kami ng Thunderbird. Dumaan kami sa tindahan ng bulaklak at bumili ng dalawang corsage. Alam ko kung kanino namin ibibigay ang mga bulaklak at naisip ko na hindi yata basta babae ang ilalabas namin. Hindi nagkamali ang kutob ko. Ang dalawang babaing kinaon namin, sa mga bahay na tila kastilyo, ay kapwa maganda, parang mga manikin. Myrla ang pangalan ng nakapareha ko. Nagtabi kami sa hulihang upuan ng Thunderbird. Sa kagandahan ni Myrla, at sa bangong nalalanghap ko ay parang ibig kong mangarap nang dilat. Naumid tuloy ang dila ko at bahagya ko nang kausapin si Myrla. Nagnaitklab kami---inom, bidahan, sayaw, inom, sayaw. magkahalong Ingles at Tagalog ang usapan namin. Kalaliman ng gabi'y nilisan namin ang naitklab. Sumagap kami ng hangin sa baybay-dagat. Madilim, ngunit naaaninaw kong hinahalikan ni Emmanuel ang kanyang kapareha. Nobya pala niya, naisip ko. Si Myrla, na ni hindi ko sinasanggi ang kamay, tuwing babalingan ko ay nababanaagan kong nakatingin sa aking mukha. "Lanta naman ako sa kaibigan mo, Manny," sabi ni Myrla, at nagtawa. Madaling-araw na nang ihatid namin ang dalawang babae. "Ikaw, saan kita ihahatid?" tanong ni Emmanuel. "Magtataksi na lang ako." Ngunit mapilit si Emmanuel kaya pumayag na akong pahatid sa kanyang kotse. Sa daan ay sinabi niya sa akin ang dahilan kung bakit pinagtawanan ako ni Myrla. "Moderno sila. Puwede mong hawakan. Puwede mong halikan...for the fun of it, 'ika nga. Pag hindi mo ginawa iyon, parang naiinsulto sila." Wala sa hinagap ko na ang pagkikilala namin ni Emmanuel ay hahantong sa pagiging matalik na magkaibigan. Dumalas ang punta ko sa kanyang bahay. Kapag ginagabi kami sa pagkukuwentuhan, na may kahalong inuman, ay doon na niya ako pinapatulog. Malimit din ay doon ako kumakain. Ngunit habang nagkakalapit ang kalooban nami'y lalo naman siyang nagiging mahiwaga sa akin. May mga pagkakataong parang nawawala siya sa sarili. Nalilingunan ko na lamang na nakatanga siya, waring sakmal ng malalim na pagmumuni. At kapag napuna niyang pinagmamasdan ko siya, agad ay ngingiti siya. Isang araw, samantalang nagbabasa ako sa kanyang aklatan, ay narinig ko sa piyano ang Fantaisie-Impromptu ni Chopin. Lumabas ako. Nasa harap siya ng piyano. Pagkatapos niyang tumugtog ay pumalakpak ako. "Marunong ka pala niyan, a," sabi ko. Nagkibit-balikat siya. Madalas ay lumalabas kami: naglalaro ng boling, naliligo sa mga beach resort at karay namin ang kung sinu-sinong babae, na bilang katuwaa'y maaaring halikan. "Huwag ka lamang gugusto sa sinuman sa kanila, brad," bilin sa akin ni Emmanuel. "Bakit?" "Mayayaman sila, brad. Mahirap silang mapaligaya kahit na ipaghalimbawa nating mayaman ka rin." Nalaliman ako sa sinabi ni Emmanuel. Natitigan ko siya. Ngumiti siya, ngunit ngiting wari'y kaakibat ng hiwaga. Isang gabi'y napansin kong lulugu-lugo si Emmanuel. "Maligaya ka ba, brad?" tanong niya, at ako'y natigilan. "Kung minsa," sagot ko, "pero kadalasa'y hindi." "Sa mga sandaling hindi ka maligaya, alam mo naman ang dahilan kung bakit hindi ka maligaya?" "Siyempre. Kabiguan sa mga hangarin, halimbawa." "May kinalaman ang pera sa mga kabiguan mo?" "Malaki." Tumingkad ang lamlam sa kanyang mga mata. "Hindi ka ba naiinggit sa kalagayan ko?" tanong niya. "Sino'ng hindi maiinggit sa kalagayan mo?" "Nagising ako sa kasaganaan. Mababait, mapagmahal, ang aking mga magulang. Ano man ang hilingin ko sa kanila noo'y ibinibigay nila. Malawak ang kanilang lupain. Si Daddy, bago namatay, ay pangulo ng isang shipping company. Nang masawi sila sa sakuna, kinuwarta ko ang lahat ng ari-ariang minana ko, at inabot iyon nang mahigit na isang milyon. Akin na ang daigdig, sabi ko noon sa sarili. Kukunin ko ang lahat ng kaligayahang maaaring maibigay sa akin ng perang iyon. At ang pagkakilala ko noon sa kaligayahn ay iyong lagi kang may kalong na babae. Iyong may maganda kang bahay, kotse, mga utusan. Nabibili mo ang gusto mong bilhin. Napupuntahan mo ang gusto mong puntahan. Natitikman mo ang gusto mong matikman. Kaya lustay dito, lustay doon ang ginawa ko. Nagalit ang kapatid ko. 'Bakit hindi mo puhunanin sa negosyo ang kuwarta mo?' tanong niya. Pero ayokong magnegosyo. Nakita ko kung gaanong hirap ang inabot ni Daddy sa pagnenegosyo. At mismong si Daddy ang nagsabi na walang katahimikan ang isang naghahawak ng mabibigat na katungkulan. Naisip ko tuloy na mali ang panuntunan niya sa buhay. Ang paghanap ng salapi, nasabi ko noon sa sarili, ay hindi nakapagpapaligaya. Ang paggasa niyon ang nakapagpapaligaya." "Tama." "Ewan ko, brad." "Hindi ka pa maligaya sa buhay mong iyan?" "At ang parteng iyon ang masakit, brad...iyong alam mong nasa iyo na ang lahat para lumigaya ka ay hindi ka pa rin maligaya. Ikaw, kung hindi ka man maligaya'y alam mo naman kung bakit. Pero ako'y hindi ko alam, bagaman nadarama kong parang may hinahanap ako na di ko naman malaman kung ano. Ano pa ang kulang sa akin? Nakapaglibot na ako sa daigdig. Saliksik ko na ang Pilipinas. Nagsugal ako...alak...babae. Binili ko ang bawat maisipan kong luho. Santambak nang libro ang nabasa ko. Nag-aral pa ako ng piyano pagkat baka 'ika ko nasa sining ang hinahanap ko. Maski saan ako sumuling, wala." Nakarinig ako ng sunud-sunod na busina---businang kilala ko---at nang dumungaw ako sa bintana ng apartment na inuupahan nami'y nakita ko ang Thunderbird ni Emmanuel. Pinapagbihis ako ni Emmanuel. Nagtungo kami sa isang cocktail lounge sa Malate, at uminom. "Baka sa isang buwa'y maalis ako, brad," pagbabalita niya. "Gusto kong maglakbay." "Hindi ba't nakapaglakbay ka na?" "Pero iba ito, brad. malamang, e, wala nang balikan ito." Nayanig ako. Ngunit hindi ako nagpahalata. "Paano ang mga ari-arian mo rito?" tanong ko. "Ililipat ko sa kapatid ko." Kung ako'y babae, marahil ay iniyakan ko ang pahihiwalay namin ni Emmanuel. Lumulubog na ang araw at maipu-ipo sa paliparan. Nagkamay kami nang mahigpit. Nakangiti si Emmanuel ngunit hindi maganda ang kanyang ngiti, at naisip ko na marahil ay gayon din ang pagkakangiti ko. "Good luck, brad," sabi ko sabay tapik sa kanyang balikat. Nang lumulan siya sa eroplano, naisip ko na marahil ay nakita ko siya sa huling pagkakataon.
Thursday, August 4, 2011
Impong Sela
ni Epifanio G. Matute
Noon ay buong kataimtimang minalas ni Impong Sela ang kanyang lalabing-animing taong apong lalaki sa pagkakahigang walang katinag-tinag. Sa ilalim ng maputing kumot, ang kanyang apong nakatihaya ay matuwid na matuwid na katulad ng isang bangkay, walang kakilus-kilos maaliban, marahil, sa maminsan-minsang pagkibot ng mga labing nanunyo at halos kasiimputla na ng isperma. Maya-maya’y marahang dinama ng kanyang palad ang noo ng nahihimlay na maysakit. Sa gayong pagkakadantay, ang nakahiga ay napakislot na animo’y biglang nagulat ngunit hindi rin nabalino sa pagkakahimbing.
“Maria Santisima!” ang nahihintakutang bulong ni Impong Sela sa kanyang sarili samantalang iniaangat ang kanyang kamay mula sa pagkakadantay sa noo ng apo.” Nagbalik na naman ang kanyang lagnat.”
Ang matanda’y nakaramdam ng isang biglang bugso ng lungkot sa kanyang dibdib. Ang lagnat ng bata ay nawala na, dalawang araw na ang nakararaan, salamat sa kanyang santong kalagyo, ngunit ngayo’y. . .
Mahal na Ina ng Awa!
Ito’y kanyang ikinababalisa. Nalalaman niyang ang lagnat na nagbabalik ay lubhang mapanganib. Ano kaya kung ang kanyang apo, ang kanyang pinakamamahal na si Pepe’y. . . Maawaing langit!
Bakit, hindi ba siya ang maituturing na nagpalaki sa kanyang apong ito! Kauna-unahan niyang apong lalaki sa kanyang kaisa-isang anak na lalaki, sa katauhan ni Pepe ay ibinuhos ni Impong Sela ang lahat na pagmamahal at pag-aaruga ng isang impo. Hindi halos nalalaman ng mga magulang nito kung paano siya lumaki. Laki sa Nuno ang tawag sa kanya. At tapat sa kasabihang iyon, si Pepe’y lumaki sa layaw, sa malabis na pagpapalayaw.
Siya ang nagging dahilan ng malimit na pagkakagalit I Conrado at ni Impong Sela. May mga pagkakataong ang anak at ang ina ay nagkakapalitan ng maiinit na sagutan, ngunit kailanman, palaging ang matanda ang nagtatagumpay. Hindi niya mapapayagang masaling man lamang ng ama ang kanyang si Pepe.
At saka ngayo’y. . .
Si Impong Sela’y nagsimulang mag-isip nang malalim. Kailangang si Pepe’y maligtas sa kuko ng kamatayan. Sa kanyang pagkalito ay pumasok sa diwa ang gunita ng mga santo, panata, debosyon…
A. . .!
“ Mahal na Hesus Nasareno!” ang kanyang marahang bulong kasabay ang pagtitirik ng mga
mata, “Para Mo nang awa! Iligtas Mo po ang aking apo at magsisimba kami ng siyam na Biyernes sa Quiapo. Huwag Mo po siyang kunin.”
Natatandaan pa niyang ang panata ring yaon ang nagligtas sa kanyang anak na ama ni Pepe
nang ito’y pitong taon pa lamang. Kahimanawari ay ito rin ang magligtas naman sa kanyang apo!
Maya-maya, ang maysakit ay kumilos. Dahan-dahang idinilat niya ang kanyang mga matang wari ay nananaginip at saka tumingin-tingin sa kanyang paligid. Hindi naglaon at namataan niya ang kanyang impo sa kanyang tabi.Inilabas niya ang kanyang kamay sa kumot at saka iniabot ang kamay sa matanda.
“Lola.” ang mahinang tawag.
“Oy, ano iyon, iho?” ang tugon ni Impong Sela sabay pihit at yumukod nang bahagya upang mapakinggan niyang mabuti ang sasabihin ni Pepe.
“Nagugutom ako.”
“Ikukuha kita ng gatas.”
“Ayoko. Sawa na ako sa gatas.”
Ang matanda ay nag-atubili. Gatas, sabaw ng karne, katas ng dalandan, tsaa, at wala na. Ang mga ito lamang ang maaaring ipakain sa kanya ayon sa bilin ng doctor.
“Ibig mo ng kaldo, anak?”
“Ayoko!”
1
“Katas ng dalandan?” Kangina lamang umaga’y itinulak niya at natapon tloy ang idinulot ng matanda. At si Pepe’y ayaw na ayaw ng tsaa, noon pa mang siya’y malakas.
“Lola, nagugutom ako!” Ang tinig ni Pepe’y may kahalo nang pagkainip.
“Sandali lang, iho,” sabay tindig ng matanda at lumabas sa silid.
Pagkaraan ng ilang sandali, Si Impong Sela’y nagbalik na taglay na kanyang kamay ang isang pinggan ng kaning sinabawan ng sinigang na karne , at isang kutsara.
“Eto, anak, ngunit huwag kang kakain nang marami, hane?”
Pagkakita sa pagkain, si Pepe’y nagpilit na makaupo ngunit pabagsak na napahigang muli sa unan. Ang matanda’y nagmamadaling lumapit sa apong nanghihina.
“Huwag kang pabigla-bigla, iho,” aniya, samantalang inaayos ang mga unan sa tabi ng dingding.”O, dito ka sumandal.”
Sa tulong ng kanyang lola, si Pepe’y nakasandal din sa unan. At siya’y sinimulan nang pakainin ni Impong Sela. Isang kutsara. Dalawang kutsara. Tatlo. Apat. Katulad ng isang hayok na hayok sa gutom ay halos sakmalin ni Pepe ang bawat subo ng kanyang lola.
“Nanay! Ano ang . . . “ Si Conrado’y patakbong pumasok sa silid at tinangkang agawin mula kay Impong Sela ang pinggan ng kanin ngunit huli na! Ang pinggan ay halos wala nang laman.
“Nanay! Wala ba kayong isip?” ang sa pagkabigla ay naibulalas ni Conrado .
“Hindi ba ninyo nalalaman ang bilin ng doctor na…”
“Ow, hayaan mo ako!” ang madaling putol sa kanya ng matand. “Nalalaman ko kung ano ang aking ginagawa. Paano lalakas ang bata kung papatayin ninyo sa gutom? Hindi siya mamamatay sa kaunting kanin. Bayaan mo siyang mamatay na nakapikit ang mata at huwag nakadilat. Totoooooy! Neneeeee!”
Ang dalawang maliliit na kapatid ni Pepe’y tumatakbong pumasok sa loob ng silid.
“Huwag kayong tatakbo! Hindi ba ninyo nalalamang may sakit ang inyong kapatid? O , kanin ninyo ito,” at idinulot ni Impong Sela sa mga bata ang natirang pagkain ni Pepe, “saying kung itatapon itong grasya ng Diyos.”
“Huwag!” ang halos naisigaw ni Conrad. “Inay, hindi ba ninyo nalalamang si Pepe’y may tipus?”
“E, ano ngayon? Ang mga bata ay mahahawa, hindi ba?” anang matanda sa tinig na naghahamon. “Ang hirap sa inyo’y pinaniniwalaan ninyong lahat ang dala rito ng mga Amerikano. May korobyo kuno ang sakit ni Pepe na siyang makakain ng mga bata.Tse! Bakit noong kapanahunan naming, walang paku-pakulo ng tubig, walang poso-artesyano, at nanggagaling lamang sa balon an gaming iniinom na kung minsan ay may liya pa. Tingnan mo ako. Gaano na ako katanda ngayon? Kung ang karobyong iyang pinagsasasabi ninyo ay totoo, bakit hindi ako namatay? At kayong mga tubo sa panahong ito na masyadong delikado sa lahat ng bagay, ilan sa inyo ang umaabot sa edad naming? Kaukulang lahat iyang pinagsasasabi ninyo. Kung ibig ng Diyos na ikaw ay mamatay ay mamamatay ka, magpagamot ka man sa isang libong doctor. Sa kanya ka umasa at huwag sa kalokohan. Kanin ninyo ito.” ang baling sa mga apo, “ at huwag kayong parang tuod sa pagkakatayo!”
Si Totoy at si Nene ay nag-atubili at tinapunan ng tingin ang kanilang amang pagkatpos ng mahabang “sermon” ng kanilang lola ay walang nagawa kundi ang magsasawalang- kibo na lamang.
“Bakit, natatakot ba kayo?” ang tanong ni Impong Sela sa kanyang mga apo. Hinagisan pa mandin ng isang irap ang kanyang anak, at saka hinugot ang tsinelas mula sa kanyang paa. “Tingnan natin kung sino ang masusunod sa bahay na ito!, Kanin ninyo ito, kung hindi’y…”
Nanginginig na sumunod ang mga bata, samantalang ang kanilang ama’y tumatanaw na lamang sa labas ng durungawan.
Kinabukasan, si Pepe’y nahibang sa lagnat. Nagbalik ito sa isang matinding bugso na siyang hindi ikapalagay ng maysakit. Tila siya iniihaw, pabiling-biling sa hihigan, at nakalulunos kung humahalinghing. Sa mga mata ni Sinang na kanyang ina ay nalalarawan ang isang paghihirap ng kaloobang isang ina lamang ang maaaring makadama sa gayong mga sandali, samantalang minamalas niya ang kahambal-hambal na ayos ng kanyang anak. Naroon din si Impong Sela. “Masama ang kanyang lagay.”
Hindi nagkamali ang doctor. Sa loob ng sumunod na oras ay pabali-balikwas si Pepe sa kanyang higaan at naghihiyaw ng kung anu-anong ikinakakagat ng labi ng mga nakamamalas. Ang mga luha ni Sinang ay tila walang-lagot na tanikala. Walang patid. Walang-tila. Ang mga ngipin ni Conrado’y nagtitiim. Samantalang si Impong Sela ‘y bumubulong ng walang katapusang mga panalangin.
2
“Sinang,” ang marahang tawag ng lalaki sa kanyang asawa, “huwag kang umiyak. Ang mabuti kaya’y dalhin natin siya sa ospital.”
“Ospital? At nang siya’y pabayaang mamatay roon? Hindi! Huwag ninyong madala-dala si Pepe ka sa ospital. Kung kayo’y nagsasawa nang mag-alaga sa kanya ay bayaan ninyo kaming maglola.Maaalagaan ko rin siyang mag-isa. Mabuti ka ngang ama! Noong ikaw ay maliit pa, sa tuwi kang magkakasakit , ako ang nagtitiyaga sa iyo at hindi kita inihihiwalay sa aking mga paningin. Kung ito’y hindi mo magagawa sa sarili mong anak ngayon – hayaan mo’t ako ang gagawa!”
“Ngunit, Nanay!” nasa tinig ni Conrado ang pagsusumamo at pagmamakaawa.
“Ano ang ating magagawa rito? Kulang tayo sa mga kagamitan. Samantalang sa ospital. . .”
“Samantalang sa ospital,” kapag si Impong Sela’y nagsimulang manggagad, siya’y handing makipaglaban, “lalo na’t ikaw ay nasa walang bayad, ay titingnan ka lamang nila kung kailan ka nila ibig tingnan. Ano ang kuwenta sa kanila ng isang maysakit na hindi naman nila kaanu-ano? Mamatay ka kung mamatay ano ang halaga sa kanila niiyon? Tingnan mo ang nangyari kay Kumareng Paula, isang araw lamang sa ospital at. . . Ave Maria Purisima! Huwag ninyong gagalawin ang apo ko! Hindi maaari!”
Sa mukha ni Conrado ay biglang sumulak ang dugo! Ibig niyang humiyaw, ibig niyang maghimagsik, ibig niyang magtaklob na ang langit at lupa!
Ngunit mula sa kanyang nangangatal na mga labi ay walang namutawi kundi ang impit na “Diyos ko! ! !” Sa gitna ng kanyang pagluha, ang mabait na si Sinang ay lumapit sa asawa at tinapunan iyon ng isang “hayaan- mo- na- ang- Nanay” na tingin. Kasabay ang isang malalim na bunting-hininga si Conrado’y nalugmok sa isang likmuan. Ang salitaan ay napinid na.
Umagang-umaga kinabukasan, nagtaka na lamang sila’t natagpuan nila sa isang sulok si Impong Selang nananangis, umiiyak na nag-iis. Siya’y hindi man lamang tinuluan ng luha nang si Pepe’y naghihirap at saka ngayon pang si Pepe’y matiwasay na, salamat sa suwerong tinusok sa kanya ng manggagamot ay saka. . .
“Bakit, Nanay?” ang namamanghang tanong ni Conrado.
“Naiisip-isip ko,” ang kanyang hikbi, “ ang anak na dalagita ni Juan ay kamamatay lamang noong isang lingo!”
“O, ay ano?” lalo namang namanghang tanong ng anak na hindi maiugpong ang pagkamatay ng anak ni Mang Juan sa mga luha ng kanyang ina.
“Iya’y totoo! Huwag mong pagtatawanan ang matatandang pamahiin. Marami na akong nakita. Iya’y hindi nagkakabula.”
“Pawang nagkataon lamang ang nakita ninyo. Huwag ninyong guluhin ang isip ninyo sa kaululang iyan.”
“ Ang isa pa,” ang patuloy ng matandang hindi siya pinapansin, “kagabi, ang mga manok ay nagputakan. Nang ang nasira mong ama ay namatay ay ganyan din ang nangyari noong huling gabi bago siya pumanaw. Kaawa-awang Pepe kooo!”
At…
Kataka-taka o hindi kataka-taka, ang luha ni Impong Sela ay nagpatuloy ng pagdaloy hanggang ang mga luntiang damo sa ibabaw ng puntod ng pinakamamahal niyang apo ay halos isang dangkal na ang angat sa lupa.
Thursday, July 28, 2011
Impeng Negro
ni Rogelio Sicat
"BAKA makikipag-away ka na naman, Impen."
Tinig iyon ng kanyang ina. Nangangaral na naman. Mula sa kinatatalungkuang giray na batalan, saglit siyang napatigil sa paghuhugas ng mumo sa kamay.
"Hindi ho," paungol niyang tugon.
"Hindi ho...," ginagad siya ng ina. "Bayaan mo na nga sila. Kung papansinin mo'y lagi ka ngang mababasag-ulo."
May iba pang sinasabi ang kanyang ina ngunit hindi na niya pinakinggan. Alam na niya ang mga iyon. Paulit-ulit na niyang naririnig. Nakukulili na ang kanyang tainga.
Isinaboy niya ang tubig na nasa harap. Muli siyang tumabo. Isinawak niya ang kamay, pinagkiskis ang mga palad at pagkaraa'y naghilamos.
"Dumaan ka kay Taba mamayang pag-uwi mo," narinig niyang bilin ng ina. "Wala nang gatas si Boy. Eto ang pambili."
Tumindig na siya. Nanghihinamad at naghihikab na iniunat ang mahahabang kamay. Inaantok pa siya. Gusto pa niyang magbalik sa sulok na kanyang higaan. Ngunit kailangang lumakad na siya. Tatanghaliin na naman bago siya makasahod. At naroon na naman marahil si Ogor. Kahit siya ang nauna ay lagi siyang inuunahan ni Ogor sa pagsahod.
Umingit ang sahig ng kanilang barungbarong nang siya'y pumasok.
"Nariyan sa kahon ang kamiseta mo."
Sa sulok ng kanyang kaliwang mata'y nasulyapan niya ang ina. Nakaupo ito, taas ang kaliwang paa, sa dulo ng halos dumapa nang bangko. Nakasandig ang ulo sa tagpiang dingding. Nakalugay ang buhok. Bukas ang kupasing damit na giris, nakahantad ang laylay at tuyot na dibdib. Kalong nito ang kanyang kapatid na bunso. Pinasususo.
"Mamaya,aka umuwi ka namang...basag ang mukha."
Bahagya na niyang maulinigan ang ina. Nakatitig siya sa tatlo pa niyang kapatid. Sunud-sunod na nakatalungko ang mga ito sa isa pang bangkong nas atagiliran ng nanggigimalmal na mesang kainan. nagsisikain pa.
Matagal na napako ang kanyang tingin kay Kano, ang sumunod sa kanya. Maputi si Kano, kaya ganito ang tawag dito sa kanilang pook. Kakutis ni Kano ang iba pa niyang kapatid. Marurusing ngunit mapuputi. May pitong taon na si Kano. Siya nama'y maglalabing-anim na. Payat siya ngunit mahahaba ang kanyang biyas.
Hinalungkat na niya ang kahong karton na itinuro ng ina. Magkakasama ang mga damit nila nina Kano, Boyet at Diding. Sa may ilalim, nakuha niya ang kulay-lumot niyang kamiseta. Hinawakan niya iyon sa magkabilang tirante. Itinaas. Sinipat.
"Yan na'ng isuot mo." Parang nahulaan ng kanyang ina ang kanyang iniisip.
Isinuot niya ang kamiseta. Lapat na lapat sa kanya ang kamisetang iyon noong bagong bili ngunit ngayo'y maluwag na. Nagmumukha siyang Intsik-beho kapag suot iyon ngunit wala naman siyang maraming kamisetang maisusuot. Mahina ang kita ng kanyang ina sa paglalabada; mahina rin ang kanyang kita sa pag-aagwador.
Nagbalik siya sa batalan. Nang siya'y lumabas, pasan na niya ang kargahan. Tuluy-tuloy niyang tinungo ang hagdan.
"Si Ogor, Impen," pahabol na bilin ng kanyang ina. "Huwag mo nang papansinin."
Naulinigan niya ang biling iyon at aywan kung dahil sa inaantok pa siya, muntik na siyang madapa nang matalisod sa nakausling bato sa may paanan ng kanilang hagdan.
Tuwing umagang mananaog siya upang umigib, pinagpapaalalahanan siya ng ina. Huwag daw siyang makikipagbabag. Huwag daw niyang papansinin si Ogor. Talaga raw gayon ito: basagulero. Lagi niyang isinasaisip ang mga biling ito ngunit sadya yatang hindi siya makapagtitimpi kapag naririnig niya ang masasakit na panunuksyo sa kanya sa gripo, lalung-lalo na mula kay Ogor.
Si Ogor, na kamakailan lamang ay bumabag sa kanya, ang malimit magsisimula ng panunukso:
"Ang itim mo, Impen!" itutukso nito.
"Kapatid mo ba si Kano?" isasabad ng isa sa mga nasa gripo.
"Sino ba talaga ang tatay mo?"
"Sino pa," isisingit ni Ogor, "di si Dikyam!"
Sasambulat na ang nakabibinging tawanan. Pinakamatunog ang tawa ni Ogor. Si Ogor ang kinikilalang hari sa gripo.
Noong una, sinasagot niya ang mga panunuksong ito:
"E ano kung maitim?" isasagot niya.
Nanunuri ang mga mata at nakangising iikutan siya ni Ogor. Pagkuwa'y bigla na lamang nitong kakayurin ng hintuturo ang balat sa kanyang batok.
"Negrung-negro ka nga, Negro," tila nandidiring sasabihin ni Ogor. Magsusunuran nang manukso ang iba pang agwador. Pati ang mga batang naroon: Tingnan mo ang buhok. Kulot na kulot! Tingnan mo ang ilong. Sarat na sarat! Naku po, ang nguso...Namamalirong!
Sa katagalan, natanggap na niya ang panunuksong ito. Iyon ang totoo, sinasabi niya sa sarili. Negro nga siya. Ano kung Negro? Ngunit napapikit siya. Ang tatay niya'y isang sundalong Negro na nang maging anak siya'y biglang nawala sa Pilipinas.
Ang panunuksong hindi niya matanggap, at siya ngang pinagmulan ng nakaraan nilang pagbababag ni Ogor, ay ang sinabi nito tungkol sa kanyang ina. (Gayon nga kaya kasama ang kanyang ina?)
"Sarisari ang magiging kapatid ni Negro," sinabi ni Ogor. "Baka makatatlo pa ang kanyang nanay ngayon!"
Noong kabuntisan ng kanyang ina sa kapatid niyang bunso ay iniwan ito ng asawa. Hindi malaman kung saan nagsuot. At noon, higit kailanman, naging hamak sila sa pagtingin ng lahat. Matagal-tagal ding hindi naglabada ang kanyang ina, nahihiyang lumabas sa kanilang barungbarong. Siya ang nagpatuloy sa pag-aagwador. At siya ang napagtuunan ng sarisaring panunukso.
Natandaan niya ang mga panunuksong iyon. At mula noon, nagsimula nang umalimpuyo sa kanyang dibdib ang dati'y binhi lamang ng isang paghihimagsik: nagsusumigaw na paghihimagsik sa pook na iyong ayaw magbigay sa kanila ng pagkakataong makagitaw at mabuhay nang payapa.
Sariwa pa ang nangyaring pakikipagbabag niya kay Ogor, naiisip ni Impen habang tinatalunton niya ang mabatong daan patungo sa gripo. Mula sa bintana ng mga barungbarong, nakikita niyang nagsusulputan ang ulo ng mga bata. Itinuturo siya ng mga iyon. Sa kanya rin napapatingin ang matatanda. Walang sinasabi ang mga ito, ngunit sa mga mata, sa galaw ng mga labi nababasa nya ang isinisigaw ng mga paslit: Negro!
Napapatungo na laamang siya.
Natatanaw na niya ngayon ang gripo. Sa malamig ngunit maliwanag nang sikat ng araw, nakikita na niya ang langkay ng mga agwador. Nagkakatipun-tipon ang mga ito. Nagkakatuwaan. Naghaharutan.
Sa langkay na iyon ay kilalang-kilala niya ang anyo ni Ogor. Paano niya malilimutan si Ogor? Sa mula't mula pa, itinuring na siya nitong kaaway, di kailanman binigyan ng pagkakataong maging kaibigan.
Halos kassingulang niya si Ogor, ngunit higit na matipuno ang katawan nito. Malakas si Ogor. Tuwid ang tindig nito at halos hindi yumuyuko kahit may pasang balde ng tubig; tila sino mang masasalubong sa daan ay kayang-kayang sagasaan.
Nang marating niya ang gripo ay tungo ang ulog tinungo niya ang hulihan ng pila. Marahan niyang inalis sa pagkakakawit ang mga balde. Sa sarili, nausal niyang sana'y huwag siya ang maging paksa ng paghaharutan at pagkakatuwaan ng mga agwador.
Nakakaanim na karga na si Impen. May sisenta sentimos nang kumakalansing sa bulsa ng kutod niyang maong. May isa pang nagpapaigib sa kanya. Diyes sentimos na naman. Kapag tag-araw ay malaki-laki rin ang kinikita ng mga agwador. Mahina ang tulo ng tubig sa kanilang pook. At bihira ang may poso.
Tanghali na akong makauuwi nito, nausal niya habang binibilang sa mata ang mga nakapilang balde. Maluwag ang parisukat na sementong kinatitirikan ng gripo at ang dulo ng pila'y nasa labas pa niyon.
Di-kalayuan sa gripo ay may isang tindahan. Sa kalawanging medya-agwa niyon ay nakasilong ang iba pang agwador. May naghubad na ng damit at isinampay na lamang sa balikat. May nagpapaypay May kumakain ng halu-halo.
Sa pangkat na iyon ay kay Ogor agad natutok ang kanyang tingin. Pnilit niyang supilin ang hangaring makasilong. Naroon sa tindahan si Ogor. Hubad-baro at ngumingisi. Mauupo na lamang siya sa kanyang balde. Mabuti pa roon, kahit nakabilad sa init. Pasasaan ba't di iikli ang pila? naisip niya. Makasasahod din ako.
Kasalukuyan siyang nagtitiis sa init nang may maulinigan siyang siga mula sa tindahan:
"Hoy, Negro, sumilong ka. Baka ka pumuti!"
Si Ogor iyon. Kahit hindi siya lumingon, para na niyang nakita si Ogor. Nakangisi at nanunukso na naman.
"Negro," muli niyang narinig, "sumilong ka sabi, e. Baka ka masunog!"
Malakas ang narinig niyang tawanan. Hindi pa rin siya lumilingon. Tila wala siyang naririnig. Nakatingin siya sa nakasahod na balde ngunit ang naiisip niya'y ang bilin ng ina, na huwag na niyang papansinin si Ogor. Bakit nga ba niya papansinin si Ogor?
Tinigilan naman ni Ogor ang panunukso. Hindi pa rin siya umaalis sa kinauupuang balde. At habang umiisod ang pila, nararamdaman niyang lalong umiinit ang sikat ng araw. Sa paligid ng balde, nakikia niya ang kanyang anino. Tumingala siya ngunit siya'y nasilaw. Nanghahapdi at waring nasusunog ang kanyang balat. Tila ibig nang matuklap ang balat sa kanyang batok, likod at balikat. Namumuo ang pawis sa kanyang anit at sa ibabaw ng kanyang nguso. may butil na rin ng pawis sa kanyang ilong.
Itinaas niya ang tirante ng kamiseta. Hinipan-hipan niya ang manipis na dibdib. Di natagalan, isinawak niya ang kamay sa nalalabing tubig sa balde. Una niyang binasa ang batok---kaylamig at kaysarap ng tubig sa kanyang batok. Malamig. Binasa niya ang ulo. Kinuskos niya ang kanyang buhok at nabasa pati ang kanyang anit. Binasa niya ang balikat, ang mga bisig. May nadama siyang ginhawa ngunit pansamantala lamang iyon. Di nagtagal, muli niyang naramdaman na tila nangangalirang na naman ang kanyang balat. Kay hapdi ng kanyang batok at balikat.
"Negro!" Napauwid siya sa pagkakaupo nang marinig iyon. Nasa likuran lamang niya ang nagsalita. Si Ogor. "Huwag ka nanag magbibilad. Doon ka sa lamig."
Pagkakataon na ni Ogor upang sumahod. At habang itinatapat nito ang balde sa gripo, muli niyang nakita na nginingisihan siya nito.
Napakatagal sa kanya ang pagkapuno ng mga balde ni ogor. Napabuntong-hininga siya nang makitang kinakawitan na ni Ogor ang mga balde. Sa wakas, aalis na si Ogor, naisip niya. Aalis na si Ogor. Huwag na sana siyang bumalik.
May galak na sumusuno sa kanyang dibdib habang pinagmamasdan ang pagkapuno ng sinundang balde. Susunod na siya. Makaka sahod na siya. Makakasahod na rin ako, sabi niya sa sarili. pagkaraan ng kargang iyon ay uuwi na siya. Daraan pa nga pala siya kay Taba. Bibili ng gatas.
Datapwa, pagkaalis ng hinihintay niyang mapunong balde, at isasahod na lamang ang sa kanya, ay isang mabigat at makapangyarihang kamay ang biglang pumatong sa kanyang balikat. Si Ogor ang kanyang natingala. Malapit lamang pala ang pinaghatidan nito ng tubig.
"Gutom na ako, Negro," sabi ni Ogor. "Ako muna."
Pautos iyon. Iginitgit ni Ogor ang bitbit na balde at kumalantog ang kanilang mga balde. Iginitgit din niya ang sa kanya, bahagya nga lamang at takot na paggitgit. "Kadarating mo pa lamang, Ogor, nais niyang itutol. Kangina pa ako nakapila rito, a. Ako muna sabi, e," giit ni Ogor.
Bantulot niyang binawi ang balde, nakatingin pa rin kay Ogor. Itinaob niya ang kaunting nasahod na balde at ang tubig ay gumapang sa semento at umabog sa kanilang mga paa ni Ogor. Uuwi na ako, bulong niya sa sarili. Uuwi na ako. Mamaya na lang ako iigib uli. Nakatingin sa araw, humakbang siya upang kunin ang pingga ngunit sa paghakbang na iyon, bigla siyang pinatid ni Ogor.
"Ano pa ba ang ibinubulong mo?"
Hindi n a niya narinig iyon. Nabuwal siya. Tumama ang kanan niyang pisngi sa labi ng nabiawang balde. Napasigaw siya. Malakas. Napaluhod siya sa madulas na semento. Kagyat na bumaha ang nakaliliyong dilim sa kanyang utak. Habang nakaluhod, dalawang kamay niyang tinutop ang pisngi. Takot, nanginginig ang kanyang mga daliri. Dahan-dahan niyang iniangat iyon. Basa...Mapula...Dugo!
Nanghilakbot siya. Sa loob ng isang saglit, hindi niya maulit na salatin ang biyak na pisngi. Mangiyak-ngiyak siya.
"O-ogor...O-ogor..." Nakatingala siya kay Ogor, mahigpit na kinukuyom ang mga palad. Kumikinig ang kanyang ulo at nangangalit ang kanyang ngipin. "Ogor!" sa wakas ay naisigaw niya.
Hindi minabuti ni Ogor ang kanyang pagsigaw. Sinipa siya nito. Gumulong siya. Buwal ang lahat ng baldeng nalalabi sa pila. Nagkalugkugan. Nakarinig siya ng tawanan. At samantalang nakadapa, unti-unting nabuo sa walang malamang sulingan niyang mga mata ang mga paang alikabukin. Paparami iyon at pumapaligid sa kanya.
Bigla siyang bumaligtad. nakita niya ang naghuhumindig na anyo ni Ogor. Nakaakma ang mga bisig.
"O-ogor..."
Tumawa nang malakas si Ogor. Humihingal at nakangangang napapikit siya. Pumuslit ang luha sa sulok ng kanyang mga mata. Nasa ganito siyang kalagayan nang bigla niyang maramdaman ang isang ubos-lakas na sipa sa kanyang pigi. Napasigaw iya. Umiiyak siyang gumuglong sa basa at madulas na semento. Namimilipit siya. Tangan ang sinipang pigi, ang buong anyo ng nakaangat niyang mukha'y larawan ng matinding sakit.
Matagal din bago napawi ang paninigas ng kanyang pigi. Humihingal siya. Malikot ang kanyang mga mata nang siya'y bumangon at itukod ang mga kamay sa semento.
Si ogor...Sa mula't mula pa'y itinuring na siya nitong kaaway...Bakit siya ginaganoon ni Ogor?
Kumikinig ang kanyang katawan. Sa poot. Sa naglalatang na poot. At nang makita niyang muling aangat ang kanang paa ni Ogor upang sipain siyang muli ay tila nauulol na asong sinunggaban niya iyon at niyakap at kinagat.
Bumagsak ang nawalan ng panimbang na si Ogor. nagyakap sila. Pagulung-gulong. Hindi siya bumibitiw. Nang siya'y mapaibabaw, sinunud-ssunod niya: dagok, dagok, dagok... pahalipaw... papaluka...papatay.
Sa pook na iyon, sa nakaririmarim na pook na iyon, aba ang pagtingin sa kanila. Marumi ng babae ang kanyang ina. Sarisari ang anak. At siya isang maitim, hamak na Negro! Papatayin niya si Ogor. papatayin. Papatayinnn!
Dagok, dagok, dagok...Nag-uumigting ang kanyang mga ugat. Tila asong nagpipilit makapaibabaw si Ogor. Tila bakal na kumakapit ang mga kamay. Sa isang iglap siya naman ang napailalim. Dagok, dagok. Nagpipihit siya. Tatagilid. Naiiri. Muling matitihaya. Hindi niya naiilagan ang dagok ni Ogor. Nasisilaw siya sa araw. Napipikit siya. Mangungudngod siya, mahahalik sa lupa. Ngunit wala siyang nararamdaman sakit. Wala siyang nararamdamang sakit!
Kakatatlo ng asawa si Inay. Si Kano...si Boyet...si Diding...At siya...Negro. Negro. Negro!
Sa mga dagok ni ogor, tila nasasalinan pa siya ng lakas. Bigla, ubos-lakas at nag-uumiri siyang umigtad. napailalim si Ogor. Nahantad ang mukha ni Ogor. Dagok, bayo, dagok, bayo, dagok, bayo, dagok...Kahit saan. Sa dibdib. Sa mukha. Dagok, bayo, dagok, bayo, dagok, dagok, dagok...
Mahina na si ogor. Lupaypay na. Nalalaglag na ang nagsasanggang kamay. Humihingal na rin siya, humahagok. Ngunit nagliliyab pa rin ang poot sa kanyang mga mata. Dagok. Papaluka. Dagok, bayo, dagok, bayo, dagok...
Gumagalaw-galaw ang sabog na labi ni Ogor.
"Impen..."
Muli niyang itinaas ang kamay.
"I-Impen..." Halos hindi niya narinig ang halingling ni Ogor. "I-Impen...s-suko n-na...a-ako...s-suko...n-na...a-ako!"
Naibaba niya ang nakataas na kamay. Napasuko niya si Ogor! Napatingala siya Abut-abot ang pahingal. makaraan ang ilang sandali, dahan-dahan at nanlalambot siyang tumindig, nakatuon ang mga mata kay Ogor. Wasak ang kanyang kamiseta at duguan ang kanyang likod. May basa ng dugo't lupa ang kanyang nguso.
Marmaing sandaling walang nangahas magsalita. Walang makakibo sa mga agwador. Hindi makapaniwala ang lahat. Lahat ay nakatingin sa kanya.
Isa-isa niyang tiningnan ang mga nakapaligid sa kanya. Walang pagtutol sa mga mata ng mga ito. Ang nababakas niya'y paghanga. Ang nakita niya'y pangingimi.
Pinangingimian siya!
May luha siya sa mata ngunit may galak siyang nadama. Luwalhati. Hinagud-hagod niya ang mga kamao. nadama niya ang bagong tuklas na lakas niyon. Ang tibay. Ang tatag. Ang kapangyarihan. Muli niyang tiningnan ang nakabulagtang si Ogor. Pagkaraa'y nakapikit at buka ang labing nag-angat siya ng mukha.
Sa matinding sikat ng araw, tila sya ang mandirigmang sugatan, ngunit matatag na nakatindig sa pinagwagihang larangan.
Subscribe to:
Posts (Atom)