Wednesday, August 10, 2011

Emmanuel


ni Efren Abueg

Sa taya ko'y mga dalawampu't anim na taon siya. Maputi. Mataas. Matangos ang ilong. Malalamlam ang mata. Malago ang kilay. Daliring-babae. Nakapantalon ng abuhing korduroy at iskiper na kulay-langit. Nagbakasyon ako sa Naga sa anyaya ng isang kaibigan, at nang pabalik na ako sa Maynila lulan ng tren, ay nagkatabi kami sa kotseng primera klase. Nakababagot ang mahabang paglalakbay. At sa kawalan ng mapaglibanga'y nakipag-usap ako sa kanya. Hindi siya masalita, ngunit isa siyang mabuting tagapakinig. Malungkot ang kanyang tinig, at ang ilang kasagutan niya sa mga katanungan ko'y tila kakambal ng hiwaga. Naitanong ko kung saan siya nanggaling. "Marami akong pinanggagalingan," sagot niya. "Naglilibot?" "Siguro. Ewan ko." Sa manaka-nakang pagsasalita niya'y natiyak kong malawak ang kanyang kaalaman. Bawat paksang buksan ko'y saklaw niya: sining, siyensiya, kasaysayan, relihiyon, pulitika. Sa madaling salita'y sinapit namin ang Maynila. Bago kami naghiwalay ay nagkamay kami't nagpakilala sa isa't isa. "Minsan, magpasyal ka sa bahay." Sinabi niya ang kanyang tirahan; tinandaan ko iyon at nang magkalayo kami'y itinala ko sa likod ng kaha ng posporo. Aywan ko kung anong pang-akit mayroon si Emmanuel upang hangarin kong magkita kaming muli. Dinalaw ko siya makalipas ang limang araw. Marahil ay labis ang katagang "nanggilalas," ngunit tunay na nanggilalas ako nang makita ko ang bahay na tinitirhan niya. Mahirap ilarawan ang bahay na iyon. Ang masasabi ko lamang, bago ako makapagpatayo ng gayong bahay ay kailangang tumama muna ako ng unang gantimpala sa karaniwang bolahan ng suwipistik. May pulang Thunderbird sa carport. Bago ako pinatuloy ng isang utusang babae ay ipinagbigay-alam muna niya kay Emmanuel ang aking pagdating. Nasa salas si Emmanuel, nakaunat sa mahabang sopa. Nakaputing korto siya, hubad-baro. Mabalahibo ang kanyang binti. Ang mukha niya'y namumula: marahil ay dahil sa alak. Umiinom siya. Nakangiti sa akin si Emmanuel, ngunit ni hindi siya tumayo. Inginuso niya ang isang sopa. Maingat na naupo ako. "Kumusta, brad?" bati niya. "Eto," kiming sagot ko. "Iinom tayo, brad." Husto sa mga makabagong kasangkapan ang kabahayan. May hi-fi. May telebisyon. May telepono. Bentilador. May piyano. "Kung alam kong ganito ka, brad," sabi ko habang sinasalinan ko ng wiski ang basong kaaabot pa lamang sa akin ng utusan, "baka nag-isip muna ako nang makasampu bago ako nagpunta rito." "Ow." Nasakyan niya ang nais kong ipakahulugan. "Walang kuwenta iyan." Itinanong ko ang mga kasambahay niya. "Ako lang, saka ilang katulong." Sa pag-uusap nami'y nalaman kong ulilang lubos na siya. Ang kanyang mga magulang ay nasaawi sa sakuna samantalang nagliliwaliw sa buong daigdig; umano, ang eroplanong kinalululanan ng mga magulang niya'y bumagsak sa Roma. Ang tanging kapatid niya, lalaki at matanda sa kanya, ay may asawa na. Ang paksa'y nagawi sa pag-aaral. "Tapos ako ng medisina pero hindi ko ginagamit," sabi niya. "Hindi ko naman kasi hilig iyon pero siyang ipinakuha ni Mommy. Doktor si Mommy. Sabagay, hindi ko naman alam noon kung anong karera ang talagang gusto ko. Ikaw?" "Kumuha ako ng komersiyo pero nahinto." "Bakit?" "Kinapos," patawang amin ko. "Nagtatrabaho ka na lang?" "Nagbibilang ng bituin. Kung medyo ginaganahan, nagsusulat...nagkukuwento ng mga kalokohan." Dumidilim na nang magpaalam ako. Inihatid ako ni Emmanuel hanggang sa makalabas ng tarangkahan. "Bumalik ka," sabi niya. Tumango ako bagama't hindi ko tiyak kung mababalik pa nga ako sa bahay na iyon. Ngunit nagbalik ako pagkaraan ng dalawang linggo. At gaya noong unang pagsasadya ko roon, si Emmanuel ay dinatnan ko na namang umiinom. Nagkaroon siya ng kainuman. Sa pagbibidahan nami'y naitanong niya kung ako'y mahilig sa babae. "Lalaki tyao, brad," sabi ko. "Anong klaseng babae naman ang gusto mo?" "Maganda. Mabait. Malambing. Ikaw?" "Ewan ko. Maglabas tayo ng babae, gusto mo?" May pumitlag sa dibdi ko. "Kung sa gusto'y talagang gusto ko. Pero hindi ako puwede ngayon." "Kuwarta?" Matunog siyang makiramdam. Tumango ako. "Ow. Walang kuwenta iyan." May tinawagan siya sa telepono. "Susunduin natin sila mamayang alas-otso," pagkababa sa auditibo'y sabi ni Emmanuel. Doon na ako naghapunan. Ikapito ng gabi'y lulan na kami ng Thunderbird. Dumaan kami sa tindahan ng bulaklak at bumili ng dalawang corsage. Alam ko kung kanino namin ibibigay ang mga bulaklak at naisip ko na hindi yata basta babae ang ilalabas namin. Hindi nagkamali ang kutob ko. Ang dalawang babaing kinaon namin, sa mga bahay na tila kastilyo, ay kapwa maganda, parang mga manikin. Myrla ang pangalan ng nakapareha ko. Nagtabi kami sa hulihang upuan ng Thunderbird. Sa kagandahan ni Myrla, at sa bangong nalalanghap ko ay parang ibig kong mangarap nang dilat. Naumid tuloy ang dila ko at bahagya ko nang kausapin si Myrla. Nagnaitklab kami---inom, bidahan, sayaw, inom, sayaw. magkahalong Ingles at Tagalog ang usapan namin. Kalaliman ng gabi'y nilisan namin ang naitklab. Sumagap kami ng hangin sa baybay-dagat. Madilim, ngunit naaaninaw kong hinahalikan ni Emmanuel ang kanyang kapareha. Nobya pala niya, naisip ko. Si Myrla, na ni hindi ko sinasanggi ang kamay, tuwing babalingan ko ay nababanaagan kong nakatingin sa aking mukha. "Lanta naman ako sa kaibigan mo, Manny," sabi ni Myrla, at nagtawa. Madaling-araw na nang ihatid namin ang dalawang babae. "Ikaw, saan kita ihahatid?" tanong ni Emmanuel. "Magtataksi na lang ako." Ngunit mapilit si Emmanuel kaya pumayag na akong pahatid sa kanyang kotse. Sa daan ay sinabi niya sa akin ang dahilan kung bakit pinagtawanan ako ni Myrla. "Moderno sila. Puwede mong hawakan. Puwede mong halikan...for the fun of it, 'ika nga. Pag hindi mo ginawa iyon, parang naiinsulto sila." Wala sa hinagap ko na ang pagkikilala namin ni Emmanuel ay hahantong sa pagiging matalik na magkaibigan. Dumalas ang punta ko sa kanyang bahay. Kapag ginagabi kami sa pagkukuwentuhan, na may kahalong inuman, ay doon na niya ako pinapatulog. Malimit din ay doon ako kumakain. Ngunit habang nagkakalapit ang kalooban nami'y lalo naman siyang nagiging mahiwaga sa akin. May mga pagkakataong parang nawawala siya sa sarili. Nalilingunan ko na lamang na nakatanga siya, waring sakmal ng malalim na pagmumuni. At kapag napuna niyang pinagmamasdan ko siya, agad ay ngingiti siya. Isang araw, samantalang nagbabasa ako sa kanyang aklatan, ay narinig ko sa piyano ang Fantaisie-Impromptu ni Chopin. Lumabas ako. Nasa harap siya ng piyano. Pagkatapos niyang tumugtog ay pumalakpak ako. "Marunong ka pala niyan, a," sabi ko. Nagkibit-balikat siya. Madalas ay lumalabas kami: naglalaro ng boling, naliligo sa mga beach resort at karay namin ang kung sinu-sinong babae, na bilang katuwaa'y maaaring halikan. "Huwag ka lamang gugusto sa sinuman sa kanila, brad," bilin sa akin ni Emmanuel. "Bakit?" "Mayayaman sila, brad. Mahirap silang mapaligaya kahit na ipaghalimbawa nating mayaman ka rin." Nalaliman ako sa sinabi ni Emmanuel. Natitigan ko siya. Ngumiti siya, ngunit ngiting wari'y kaakibat ng hiwaga. Isang gabi'y napansin kong lulugu-lugo si Emmanuel. "Maligaya ka ba, brad?" tanong niya, at ako'y natigilan. "Kung minsa," sagot ko, "pero kadalasa'y hindi." "Sa mga sandaling hindi ka maligaya, alam mo naman ang dahilan kung bakit hindi ka maligaya?" "Siyempre. Kabiguan sa mga hangarin, halimbawa." "May kinalaman ang pera sa mga kabiguan mo?" "Malaki." Tumingkad ang lamlam sa kanyang mga mata. "Hindi ka ba naiinggit sa kalagayan ko?" tanong niya. "Sino'ng hindi maiinggit sa kalagayan mo?" "Nagising ako sa kasaganaan. Mababait, mapagmahal, ang aking mga magulang. Ano man ang hilingin ko sa kanila noo'y ibinibigay nila. Malawak ang kanilang lupain. Si Daddy, bago namatay, ay pangulo ng isang shipping company. Nang masawi sila sa sakuna, kinuwarta ko ang lahat ng ari-ariang minana ko, at inabot iyon nang mahigit na isang milyon. Akin na ang daigdig, sabi ko noon sa sarili. Kukunin ko ang lahat ng kaligayahang maaaring maibigay sa akin ng perang iyon. At ang pagkakilala ko noon sa kaligayahn ay iyong lagi kang may kalong na babae. Iyong may maganda kang bahay, kotse, mga utusan. Nabibili mo ang gusto mong bilhin. Napupuntahan mo ang gusto mong puntahan. Natitikman mo ang gusto mong matikman. Kaya lustay dito, lustay doon ang ginawa ko. Nagalit ang kapatid ko. 'Bakit hindi mo puhunanin sa negosyo ang kuwarta mo?' tanong niya. Pero ayokong magnegosyo. Nakita ko kung gaanong hirap ang inabot ni Daddy sa pagnenegosyo. At mismong si Daddy ang nagsabi na walang katahimikan ang isang naghahawak ng mabibigat na katungkulan. Naisip ko tuloy na mali ang panuntunan niya sa buhay. Ang paghanap ng salapi, nasabi ko noon sa sarili, ay hindi nakapagpapaligaya. Ang paggasa niyon ang nakapagpapaligaya." "Tama." "Ewan ko, brad." "Hindi ka pa maligaya sa buhay mong iyan?" "At ang parteng iyon ang masakit, brad...iyong alam mong nasa iyo na ang lahat para lumigaya ka ay hindi ka pa rin maligaya. Ikaw, kung hindi ka man maligaya'y alam mo naman kung bakit. Pero ako'y hindi ko alam, bagaman nadarama kong parang may hinahanap ako na di ko naman malaman kung ano. Ano pa ang kulang sa akin? Nakapaglibot na ako sa daigdig. Saliksik ko na ang Pilipinas. Nagsugal ako...alak...babae. Binili ko ang bawat maisipan kong luho. Santambak nang libro ang nabasa ko. Nag-aral pa ako ng piyano pagkat baka 'ika ko nasa sining ang hinahanap ko. Maski saan ako sumuling, wala." Nakarinig ako ng sunud-sunod na busina---businang kilala ko---at nang dumungaw ako sa bintana ng apartment na inuupahan nami'y nakita ko ang Thunderbird ni Emmanuel. Pinapagbihis ako ni Emmanuel. Nagtungo kami sa isang cocktail lounge sa Malate, at uminom. "Baka sa isang buwa'y maalis ako, brad," pagbabalita niya. "Gusto kong maglakbay." "Hindi ba't nakapaglakbay ka na?" "Pero iba ito, brad. malamang, e, wala nang balikan ito." Nayanig ako. Ngunit hindi ako nagpahalata. "Paano ang mga ari-arian mo rito?" tanong ko. "Ililipat ko sa kapatid ko." Kung ako'y babae, marahil ay iniyakan ko ang pahihiwalay namin ni Emmanuel. Lumulubog na ang araw at maipu-ipo sa paliparan. Nagkamay kami nang mahigpit. Nakangiti si Emmanuel ngunit hindi maganda ang kanyang ngiti, at naisip ko na marahil ay gayon din ang pagkakangiti ko. "Good luck, brad," sabi ko sabay tapik sa kanyang balikat. Nang lumulan siya sa eroplano, naisip ko na marahil ay nakita ko siya sa huling pagkakataon.


Thursday, August 4, 2011

Impong Sela


ni Epifanio G. Matute

Noon ay buong kataimtimang minalas ni Impong Sela ang kanyang lalabing-animing taong apong lalaki sa pagkakahigang walang katinag-tinag. Sa ilalim ng maputing kumot, ang kanyang apong nakatihaya ay matuwid na matuwid na katulad ng isang bangkay, walang kakilus-kilos maaliban, marahil, sa maminsan-minsang pagkibot ng mga labing nanunyo at halos kasiimputla na ng isperma. Maya-maya’y marahang dinama ng kanyang palad ang noo ng nahihimlay na maysakit. Sa gayong pagkakadantay, ang nakahiga ay napakislot na animo’y biglang nagulat ngunit hindi rin nabalino sa pagkakahimbing.

“Maria Santisima!” ang nahihintakutang bulong ni Impong Sela sa kanyang sarili samantalang iniaangat ang kanyang kamay mula sa pagkakadantay sa noo ng apo.” Nagbalik na naman ang kanyang lagnat.”

Ang matanda’y nakaramdam ng isang biglang bugso ng lungkot sa kanyang dibdib. Ang lagnat ng bata ay nawala na, dalawang araw na ang nakararaan, salamat sa kanyang santong kalagyo, ngunit ngayo’y. . .

Mahal na Ina ng Awa!

Ito’y kanyang ikinababalisa. Nalalaman niyang ang lagnat na nagbabalik ay lubhang mapanganib. Ano kaya kung ang kanyang apo, ang kanyang pinakamamahal na si Pepe’y. . . Maawaing langit!

Bakit, hindi ba siya ang maituturing na nagpalaki sa kanyang apong ito! Kauna-unahan niyang apong lalaki sa kanyang kaisa-isang anak na lalaki, sa katauhan ni Pepe ay ibinuhos ni Impong Sela ang lahat na pagmamahal at pag-aaruga ng isang impo. Hindi halos nalalaman ng mga magulang nito kung paano siya lumaki. Laki sa Nuno ang tawag sa kanya. At tapat sa kasabihang iyon, si Pepe’y lumaki sa layaw, sa malabis na pagpapalayaw.

Siya ang nagging dahilan ng malimit na pagkakagalit I Conrado at ni Impong Sela. May mga pagkakataong ang anak at ang ina ay nagkakapalitan ng maiinit na sagutan, ngunit kailanman, palaging ang matanda ang nagtatagumpay. Hindi niya mapapayagang masaling man lamang ng ama ang kanyang si Pepe.

At saka ngayo’y. . .

Si Impong Sela’y nagsimulang mag-isip nang malalim. Kailangang si Pepe’y maligtas sa kuko ng kamatayan. Sa kanyang pagkalito ay pumasok sa diwa ang gunita ng mga santo, panata, debosyon…

A. . .!

“ Mahal na Hesus Nasareno!” ang kanyang marahang bulong kasabay ang pagtitirik ng mga

mata, “Para Mo nang awa! Iligtas Mo po ang aking apo at magsisimba kami ng siyam na Biyernes sa Quiapo. Huwag Mo po siyang kunin.”

Natatandaan pa niyang ang panata ring yaon ang nagligtas sa kanyang anak na ama ni Pepe

nang ito’y pitong taon pa lamang. Kahimanawari ay ito rin ang magligtas naman sa kanyang apo!

Maya-maya, ang maysakit ay kumilos. Dahan-dahang idinilat niya ang kanyang mga matang wari ay nananaginip at saka tumingin-tingin sa kanyang paligid. Hindi naglaon at namataan niya ang kanyang impo sa kanyang tabi.Inilabas niya ang kanyang kamay sa kumot at saka iniabot ang kamay sa matanda.

“Lola.” ang mahinang tawag.

“Oy, ano iyon, iho?” ang tugon ni Impong Sela sabay pihit at yumukod nang bahagya upang mapakinggan niyang mabuti ang sasabihin ni Pepe.

“Nagugutom ako.”

“Ikukuha kita ng gatas.”

“Ayoko. Sawa na ako sa gatas.”

Ang matanda ay nag-atubili. Gatas, sabaw ng karne, katas ng dalandan, tsaa, at wala na. Ang mga ito lamang ang maaaring ipakain sa kanya ayon sa bilin ng doctor.

“Ibig mo ng kaldo, anak?”

“Ayoko!”





1

“Katas ng dalandan?” Kangina lamang umaga’y itinulak niya at natapon tloy ang idinulot ng matanda. At si Pepe’y ayaw na ayaw ng tsaa, noon pa mang siya’y malakas.

“Lola, nagugutom ako!” Ang tinig ni Pepe’y may kahalo nang pagkainip.

“Sandali lang, iho,” sabay tindig ng matanda at lumabas sa silid.

Pagkaraan ng ilang sandali, Si Impong Sela’y nagbalik na taglay na kanyang kamay ang isang pinggan ng kaning sinabawan ng sinigang na karne , at isang kutsara.

“Eto, anak, ngunit huwag kang kakain nang marami, hane?”

Pagkakita sa pagkain, si Pepe’y nagpilit na makaupo ngunit pabagsak na napahigang muli sa unan. Ang matanda’y nagmamadaling lumapit sa apong nanghihina.

“Huwag kang pabigla-bigla, iho,” aniya, samantalang inaayos ang mga unan sa tabi ng dingding.”O, dito ka sumandal.”

Sa tulong ng kanyang lola, si Pepe’y nakasandal din sa unan. At siya’y sinimulan nang pakainin ni Impong Sela. Isang kutsara. Dalawang kutsara. Tatlo. Apat. Katulad ng isang hayok na hayok sa gutom ay halos sakmalin ni Pepe ang bawat subo ng kanyang lola.

“Nanay! Ano ang . . . “ Si Conrado’y patakbong pumasok sa silid at tinangkang agawin mula kay Impong Sela ang pinggan ng kanin ngunit huli na! Ang pinggan ay halos wala nang laman.

“Nanay! Wala ba kayong isip?” ang sa pagkabigla ay naibulalas ni Conrado .

“Hindi ba ninyo nalalaman ang bilin ng doctor na…”

“Ow, hayaan mo ako!” ang madaling putol sa kanya ng matand. “Nalalaman ko kung ano ang aking ginagawa. Paano lalakas ang bata kung papatayin ninyo sa gutom? Hindi siya mamamatay sa kaunting kanin. Bayaan mo siyang mamatay na nakapikit ang mata at huwag nakadilat. Totoooooy! Neneeeee!”

Ang dalawang maliliit na kapatid ni Pepe’y tumatakbong pumasok sa loob ng silid.

“Huwag kayong tatakbo! Hindi ba ninyo nalalamang may sakit ang inyong kapatid? O , kanin ninyo ito,” at idinulot ni Impong Sela sa mga bata ang natirang pagkain ni Pepe, “saying kung itatapon itong grasya ng Diyos.”

“Huwag!” ang halos naisigaw ni Conrad. “Inay, hindi ba ninyo nalalamang si Pepe’y may tipus?”

“E, ano ngayon? Ang mga bata ay mahahawa, hindi ba?” anang matanda sa tinig na naghahamon. “Ang hirap sa inyo’y pinaniniwalaan ninyong lahat ang dala rito ng mga Amerikano. May korobyo kuno ang sakit ni Pepe na siyang makakain ng mga bata.Tse! Bakit noong kapanahunan naming, walang paku-pakulo ng tubig, walang poso-artesyano, at nanggagaling lamang sa balon an gaming iniinom na kung minsan ay may liya pa. Tingnan mo ako. Gaano na ako katanda ngayon? Kung ang karobyong iyang pinagsasasabi ninyo ay totoo, bakit hindi ako namatay? At kayong mga tubo sa panahong ito na masyadong delikado sa lahat ng bagay, ilan sa inyo ang umaabot sa edad naming? Kaukulang lahat iyang pinagsasasabi ninyo. Kung ibig ng Diyos na ikaw ay mamatay ay mamamatay ka, magpagamot ka man sa isang libong doctor. Sa kanya ka umasa at huwag sa kalokohan. Kanin ninyo ito.” ang baling sa mga apo, “ at huwag kayong parang tuod sa pagkakatayo!”

Si Totoy at si Nene ay nag-atubili at tinapunan ng tingin ang kanilang amang pagkatpos ng mahabang “sermon” ng kanilang lola ay walang nagawa kundi ang magsasawalang- kibo na lamang.

“Bakit, natatakot ba kayo?” ang tanong ni Impong Sela sa kanyang mga apo. Hinagisan pa mandin ng isang irap ang kanyang anak, at saka hinugot ang tsinelas mula sa kanyang paa. “Tingnan natin kung sino ang masusunod sa bahay na ito!, Kanin ninyo ito, kung hindi’y…”

Nanginginig na sumunod ang mga bata, samantalang ang kanilang ama’y tumatanaw na lamang sa labas ng durungawan.

Kinabukasan, si Pepe’y nahibang sa lagnat. Nagbalik ito sa isang matinding bugso na siyang hindi ikapalagay ng maysakit. Tila siya iniihaw, pabiling-biling sa hihigan, at nakalulunos kung humahalinghing. Sa mga mata ni Sinang na kanyang ina ay nalalarawan ang isang paghihirap ng kaloobang isang ina lamang ang maaaring makadama sa gayong mga sandali, samantalang minamalas niya ang kahambal-hambal na ayos ng kanyang anak. Naroon din si Impong Sela. “Masama ang kanyang lagay.”

Hindi nagkamali ang doctor. Sa loob ng sumunod na oras ay pabali-balikwas si Pepe sa kanyang higaan at naghihiyaw ng kung anu-anong ikinakakagat ng labi ng mga nakamamalas. Ang mga luha ni Sinang ay tila walang-lagot na tanikala. Walang patid. Walang-tila. Ang mga ngipin ni Conrado’y nagtitiim. Samantalang si Impong Sela ‘y bumubulong ng walang katapusang mga panalangin.



2

“Sinang,” ang marahang tawag ng lalaki sa kanyang asawa, “huwag kang umiyak. Ang mabuti kaya’y dalhin natin siya sa ospital.”

“Ospital? At nang siya’y pabayaang mamatay roon? Hindi! Huwag ninyong madala-dala si Pepe ka sa ospital. Kung kayo’y nagsasawa nang mag-alaga sa kanya ay bayaan ninyo kaming maglola.Maaalagaan ko rin siyang mag-isa. Mabuti ka ngang ama! Noong ikaw ay maliit pa, sa tuwi kang magkakasakit , ako ang nagtitiyaga sa iyo at hindi kita inihihiwalay sa aking mga paningin. Kung ito’y hindi mo magagawa sa sarili mong anak ngayon – hayaan mo’t ako ang gagawa!”

“Ngunit, Nanay!” nasa tinig ni Conrado ang pagsusumamo at pagmamakaawa.

“Ano ang ating magagawa rito? Kulang tayo sa mga kagamitan. Samantalang sa ospital. . .”

“Samantalang sa ospital,” kapag si Impong Sela’y nagsimulang manggagad, siya’y handing makipaglaban, “lalo na’t ikaw ay nasa walang bayad, ay titingnan ka lamang nila kung kailan ka nila ibig tingnan. Ano ang kuwenta sa kanila ng isang maysakit na hindi naman nila kaanu-ano? Mamatay ka kung mamatay ano ang halaga sa kanila niiyon? Tingnan mo ang nangyari kay Kumareng Paula, isang araw lamang sa ospital at. . . Ave Maria Purisima! Huwag ninyong gagalawin ang apo ko! Hindi maaari!”

Sa mukha ni Conrado ay biglang sumulak ang dugo! Ibig niyang humiyaw, ibig niyang maghimagsik, ibig niyang magtaklob na ang langit at lupa!

Ngunit mula sa kanyang nangangatal na mga labi ay walang namutawi kundi ang impit na “Diyos ko! ! !” Sa gitna ng kanyang pagluha, ang mabait na si Sinang ay lumapit sa asawa at tinapunan iyon ng isang “hayaan- mo- na- ang- Nanay” na tingin. Kasabay ang isang malalim na bunting-hininga si Conrado’y nalugmok sa isang likmuan. Ang salitaan ay napinid na.

Umagang-umaga kinabukasan, nagtaka na lamang sila’t natagpuan nila sa isang sulok si Impong Selang nananangis, umiiyak na nag-iis. Siya’y hindi man lamang tinuluan ng luha nang si Pepe’y naghihirap at saka ngayon pang si Pepe’y matiwasay na, salamat sa suwerong tinusok sa kanya ng manggagamot ay saka. . .

“Bakit, Nanay?” ang namamanghang tanong ni Conrado.

“Naiisip-isip ko,” ang kanyang hikbi, “ ang anak na dalagita ni Juan ay kamamatay lamang noong isang lingo!”

“O, ay ano?” lalo namang namanghang tanong ng anak na hindi maiugpong ang pagkamatay ng anak ni Mang Juan sa mga luha ng kanyang ina.

“Iya’y totoo! Huwag mong pagtatawanan ang matatandang pamahiin. Marami na akong nakita. Iya’y hindi nagkakabula.”

“Pawang nagkataon lamang ang nakita ninyo. Huwag ninyong guluhin ang isip ninyo sa kaululang iyan.”

“ Ang isa pa,” ang patuloy ng matandang hindi siya pinapansin, “kagabi, ang mga manok ay nagputakan. Nang ang nasira mong ama ay namatay ay ganyan din ang nangyari noong huling gabi bago siya pumanaw. Kaawa-awang Pepe kooo!”

At…

Kataka-taka o hindi kataka-taka, ang luha ni Impong Sela ay nagpatuloy ng pagdaloy hanggang ang mga luntiang damo sa ibabaw ng puntod ng pinakamamahal niyang apo ay halos isang dangkal na ang angat sa lupa.